Masayang masaya


Ang tagal ko na ring di nagsulat gamit ang Filipino. Bago ko makalimutan ang ibang mga salitang mala pambalagtasan, hayaan niyo muna akong sumulat sa wika ko.

Nakakatawa talaga ang buhay. Di na natapos ang karereklamo ko. Reklamo ako nang reklamo, kasalanan ko rin naman dahil sa mga desisyong ginawa ko. Pero noong Sabado, napagtanto ko na kahit gaano pa ako kapagod, kahit gaano pa ako kadalas mag reklamo, lahat ng bagay ay magiging maayos kung magtitiwala lang ako.

Yun yata ang problema ko. Wala akong tiwala sa sarili. At minsan, hindi ko rin maiiwasan na mawalan ng tiwala sa taas. Pero hindi ko maipaliwanag ang pagmamahal Niya sa akin kasi lahat ng aspeto ng buhay ko ngayon ay naisa-ayos nang dahil sa Kanya. Sabi ko nga sa mga kaibigan ko, parang sa isang kumpas lang ng Kamay niya, napalitan ng tuwa at lumipas din ang pagod ko.

Nakahanap na ako ng bahay na malilipatan. Ang galing lang talaga dahil isang bahay lang ang pinuntahan namin ng katrabaho ko, pero parang alam ng Diyos na pagod na ako kaya ginawa niyang maayos ang lahat. Mabait ang may-ari ng bahay, sabi rin ito ng katrabaho ko dahil siya ang nakikipag-usap. Ligtas yung lugar, may elevator (sa wakas!!!), at may 24 oras na security. Higit sa lahat, ilang minutong lakad lang ito sa bagong opisina ko.

Siyempre dahil mababa nanaman ang luha ko, hindi ko napigilang umiyak sa harap ng katrabaho ko. Sabi ko sa kanya, napakswerte kong tao dahil lahat ay tinutulungan ako. Mula noong nag-aral ako dito, hanggang sa lumipat ng bahay, nagkatrabaho, at lilipat uli, hindi nauubos ang mabubuting taong tumutulong sa kin. Nakakataba talaga ng puso. Para sa mga katrabaho ko, maraming maraming salamat. Noong isang araw lang nakabukas ang magkakasunod na computer sa opisina ng mga layout artists namin, tinutulungan akong maghanap ng bahay kahit oras ng trabaho. Napakswerte ko sa kanila. Sana balang araw masuklian ko rin ang kabutihan nila sa akin.

Sa ngayon nagpapalakas lang ako ng loob para sa paglipat ko ng bahay, ng trabaho. Hindi naman ako mawawala ng tuluyan sa pahayagan dahil susulat pa rin ako. Pero siyempre maninibago ako dahil ibang responsibilidad naman ang nasa balikat ko. Sa bagong bahay naman, nandiyan pa rin yung takot ko kasi bagong lugar, at mamimiss ko yung naging buhay ko sa isang apartment na napalapit sa akin ng husto. Ilang gabi rin ang nai-iyak ko sa kwartong iyon, yung mga hikbi ko kapag naaalala ko ang pamilya, at kapag kausap ko ang Bossing sa taas. Di ko malilimutan yung isang araw na naaksidente ako, kung gaano ako humagulgol dahil akala ko di na ako magigising kinaumagahan. Dito tumatag yung loob ko, mag-isa sa gabi, sa lindol, sa bagyo, sa tawa, sa  luha.

Ang sarap ng pakiramdam ko ngayon. Masaya kahit pagod. Konting tiis na lang. Makakapag bakasyon na rin ako, kahit nasa kalagitnaan ng gitgitang Taiwan-Pilipinas. Maraming salamat kasi masaya ako, masayang masaya.