Maligayang Pasko po!


Matagal na rin akong di nakakapagsulat gamit ang ating sariling wika. Pero bago ang lahat, isang MALIGAYANG PASKO mula sa isang bayang ni anino ng pagdiriwang na ito ay di ko maaaninag.

Ngayong pasko napagtanto kong unti-unti nang namumulat ang isip ko sa katotohanang hindi na nga ako bata. Hindi na importante sa akin ang mga regalo. Lalo pa't nasa isang daigdig ako na mahal ang shipping fee, haha echos lang. Anu pa nga ang magagawa ng isang nilalang na nasa ibayo? Wala nang mas mahalaga pa siguro para sa mga Pilipinong nasa iba't ibang lupain kundi ang makasama ang kanilang mga mahal sa buhay sa isang masayang pagdiriwang na ito. Pero dahil hindi nga magkakasama ang mga mag-anak ngayong araw, sapat ns ang marinig ang boses nila. Konting tiis, ika nga.

Sa kabilang banda, masaya ako at ginawa ako ng Diyos na Pilipino. Sa katunayan, di ko maisip kung ako ay isang Kanluranin. Ganito pa rin kaya ang aking mga pagpapahalaga? Dito ko nakita ang pagkakaiba natin sa ibang lahi. Kung paano natin pahalagahan ang pamilya natin, kung paano tayo magmahal, kung paano tayo magdiwang sa ispesyal na araw ng pagdating muli ni Hesus. At dahil mag-isa ako ngayon, kahit walang dekorasyon sa aking kwarto, o walang makukulay na ilaw sa mga kalsada, walang masasayang batang nangangaroling sa kalye, kahit papano ay buhay pa rin ang diwa ng pasko sa akin. Nananalaytay sa kailaliman ng puso ko and tunay na kahulugan ng pasko: ang pagmamahal sa kapwa, gaya ng pagmamahal Niya sa atin.

Muli, Maligayang Pasko po!

No comments